Motorcycle rider arestado matapos tumakas sa checkpoint ng Comelec sa Tondo, Maynila at isang baril at hinihinalang droga, nakumpiska sa suspect.
Sa body worn camera ng Moriones Police Station 2, makikita ang aktwal na pagtakas ng isang motorcycle rider sa Comelec checkpoint sa Abad Santos Street corner P. Algue Street sa Tondo, Manila, mag aalas-onse ng gabi, January 15.
Pinahinto rin ng mga pulis ang iba pang motorista sa checkpoint habang hinahabol ng mga pulis ang suspek.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Alvin Christopher Baybayan, ang station commander ng Moriones Police Station 2, “Pinapahinto siya ng ating mga kapulisan, at muntik pa nga po niyang nadisgrasya yung isa nating pulis at yung isa nating pulis nakitaan siya ng baril na nakasukbit sa kaniya pong waist…nung narinig po niya na sumisigaw po yung pulis natin na may baril ay agad po siyang nagpatakbo ng mabilis.”
Na-corner ng mga pulis ang suspect sa Bambang Street sa Tondo, Maynila.
“Nagkaroon po kami ng communication po sa mga PCP natin para po habulin po yung supect natin at nung nakarating po siya ng Bambang, sakto nandoon ang kapulisan ng bambang pcp at doon po natin siya na-corner,” ani Baybayan.
Nakumpiska sa suspect ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may street value na 136,000 pesos.
Nakuha rin sa suspect ang caliber 45 na baril at mga bala.
Aminado naman ang suspect na magdedeliver siya ng droga sa isang tao sa Bambang Street.
Iniutos daw sa kaniya ito ng kaniyang kaibigan kapalit ng pera.
“Kasi natatakot po ako kasi akala ko po…dire diretso po ako akala ko po walang checkpoint…(may nakuha raw na baril at isang sachet ng shabu sayo?) opo. (sayo yun?) hindi po sakin yun ma’am (kanino yun?) pinadala lang po sakin ng tropa ko yun binayaran lang po ako na para magkaroon ng pera…(bakit may dala kang baril?) pinapadala lang din sa akin ng tropa ko yun. (ibibigay din?) opo. (kanino?) doon din po sa tropa ko.” ayon sa suspek.
Napag-alaman din ng mga pulis na walang lisensya ang suspek at hindi rin ito makapagpakita ng mga dokumento ng pagmamay-ari ng motorsiklong minamaneho niya.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Omnibus Election Code, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sasampahan din siya ng reklamong driving without license at serious disobedience.
Bukas pa siya nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings.
Pakiusap ng mga pulis, makipagtulungan ang publiko sa Comelec checkpoint.
“Ito naman po ay para sa ikatitiwasay ng ating komunidad lalong lalo na po ay eleksyon marami pong masasamang elemento o masasamang tao ang talaga pong manggugulo kaya kailangang kailangan po natin ng kooperasyon po ng taumbayan,” ani Baybayan. — BAP, GMA Integrated News
