Dahil “rice is life” para sa mga Pinoy o pangunahing pangangailangan sa araw-araw ang kanin, isang lalaki ang nakabebenta ngayon ng 400 hanggang 700 sako ng bigas kada araw at kumikita ng six digits kada buwan. Paano nga ba mag-umpisa at magpatakbo ng isang bigasan?

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang negosyong bigasan na JAF Rice Trading ni Aivan Tadeo Ferreria sa Santo Tomas, Batangas.

Nagsimula si Ferreria sa grocery business sa puhunang P10,000 na inutang niya lamang, at idinagdag niya rito ang panindang bigas.

“Bigasan 'yung napili namin kasi napansin ko na ito 'yung pangangailangan ng tao, basic needs. Kumbaga, madali siyang ibenta eh. Anytime, hahanapin siya. Tapos natural siya na pangangailangan ng tao, hahanapin sa'yo,” sabi ni Ferreria.

Hanggang sa mapasin nilang mas may kita sa bigas, at ito na lang ang kanilang pinagtuunan.

“Hindi ko na-imagine na magbibigas ako eh. Iniisip ko nga ‘pag bigasan parang ang baduy, ang corny, magbubuhat ako ng bigas. Pero hindi ko alam, dito pala ako dadalhin sa bigasan business,” sabi niya.

Aminado si Ferreria na hindi biro ang negosyong ito. Noong unang pitong buwan sa negosyo, wala silang kabenta-benta, na 12 oras papasok sa tindahan ngunit P600 lang ang benta.

Bukod dito, marami rin silang kalaban.

Kalaunan, sinubukan nilang magbenta ng bigas online, at nakahanap ng maraming customers na hindi lang basta bumili ng bigas kundi pumasok na rin sa rice trading business.

“Noong nag-start ako mag-vlog, tapos nakita ko na nag-trending siya. Tapos madami akong natulungan na tao kung paano mag-start ng bigasan. And then nakikita ko din na may impact siya sa business namin. Tapos doon na ako nag-start na talagang ituloy 'yung pag-vlog, pag-content. Doon na ako talaga nagtuloy-tuloy. Sabi ko, okay na ‘to.”

Nakilala lang nila sa social media ang 90% ng kanilang customers, na mula Batangas, Quezon, Cavite at Laguna.

Umabot na sa mahigit 200 bigasan ang kanilang sinusuplayan.

Kung sa Nueva Ecija, Mindoro at Isabela lang noon nag-aangkat ng bigas si Ferreria, kumukuha na rin siya ngayon sa international rice traders mula Vietnam, Thailand at Pakistan.

Sa wholesale, maaaring mag-markup ng P50 kada 25 kilo o isang sako ng bigas, depende sa minimum order. Kung retail o isang sakong bigas lamang ang maibibenta, pwedeng mag-markup ng P75 hanggang P100 kada sako, depende sa klase ng bibilhing bigas.

Naniniwala rin si Ferreria na nagbubunga ng maganda para sa negosyo ang tamang pag-aalaga at pakikisama sa mga tauhan.

Payo ni Ferreria para sa mga gustong magnegosyo ng bigasan, maghanap ng mapagkakatiwalaang supplier na consistent sa kalidad, serbisyo at presyo.

Mag-research din kung anong klase ng bigas ang mabenta sa inyong lugar, at magsimulang magbenta sa mga kakilala.

Maging makatao, iwasan ang overpricing at kumuha ng mga kinakailangan permit sa pagnenegosyo.

Isa na rin ngayong coffee shop owner si Ferreria, at may tatlong branch na ang kaniyang rice trading business.

Nakabili na rin siya ng dalawang delivery truck at nakapagpundar ng lupa. –Jamil Santos/NB, GMA Integrated News