Arestado ang isang Chinese na pinaghahanap dahil sa kasong estafa sa isinagawang raid sa isang gusali sa Bonifacio Global City, Taguig. Ang ilegal na aktibidad ng POGO, nabisto rin.
Sa ulat ni Nico Waje sa "Balitanghali" nitong Martes, sinabing isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Southern NCR, Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Southern Police District ang raid, matapos ang intelligence report na nasa ika-10 palapag ng gusali ang Chinese.
Tuluyang dinakip ang lalaki nang puntahan ng CIDG.
“Actually itong Chinese na ito, mino-monitor namin ito ng mga about almost a week. Mailap lang kasi siya, kaya ngayon lang namin natsambahan,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jerry Amindalan, hepe ng CIDG-Southern NCR.
Gayunman, mas ikinagulat ng mga operatiba pag-akyat nila ng ika-10 palapag nang tumambad sa kanila ang ilegal na operasyon ng POGO.
Nakita ng mga awtoridad ang walong mahabang lamesa na may mahigit 100 computers. Naka-display sa bawat computer ang link ng umano'y ilegal na online sugal.
Nakita rin ang mga cellphone sa bawat computer table. Sinabi ng CIDG na tila may nagaganap pang love scams.
“During the service ng warrant of arrest, nakita natin na talagang may POGO hub doon na maraming computers, maraming mga parang may love scam doon sa monitor makikita, at saka mga gambling, illegal gambling online,” sabi ni Amindalan.
Sinabi ng CIDG na nagkukunwari umanong IT solution company ang POGO hub.
“‘Yung pangalan nila, ‘yung company name nila is hindi siya registered sa PAGCOR upon checking,” sabi ni Amindalan.
Naabutan ng mga awtoridad ang 17 dayuhan at 65 Pilipino na nagtatrabaho sa POGO hub umano.
“Continuous pa rin 'yung documentation namin sa kanila, at kung talagang may violation, may working permit din 'yung mga foreigners natin, then dito lang. Kung wala, additional case to be filed against them. [Ang mga Pinoy], they will be charged na employee ng POGO, so violation din po ‘yun,” ani Amindalan.
“Usually, nagiging interpreter siya ng mga pogo hub,” paliwanag ng pulisya kung bakit nasa POGO hub din ang Chinese na target ng operasyon.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang nadakip na dayuhan, maging ang mga pamunuan ng establisimyento kung saan sila nahuli. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News
