Binanggit ng hepe ng PNP Public Information Office na si Police Brigadier General Randulf Tuaño ang impormasyon mula sa regional director ng Cordillera Administrative Region police na tinanggal sa puwesto simunicipal police chief Police Major Peter Camsol, ayon sa ulat ni GMA Integrated News reporter Bea Pinlac.
“Just now…only the chief of police of Tuba is relieved,” sabi niya sa isang mensahe.
Sinabi ni Tuaño na nalaman ng tanggapan ng pulisya sa rehiyon na nagpabaya umano ang Tuba police sa pagkuha ng mga ebidensiya sa pagsisiyasat sa pagkamatay ni Cabral.
Samantala, pinanatili sa kaniyang puwesto si Benguet Police chief Police Colonel Lambert Suerte matapos na “he was able to negotiate with the deceased family for the awtopsiya,” ayon kay Tuaño.
Ayon sa pulisya noong Biyernes, nagpahayag nang kahandaan ang pamilya Cabral na payagan ang isang awtopsiya matapos matagpuan ang kaniyang bangkay sa isang bangin sa Benguet.
Tumutol sila noong una sa utos ng mga awtoridad na ipa-awtopsiya ang kaniyang mga labi dahil sa umano'y kahina-hinalang mga pangyayari sa kaniyang pagkamatay. Sinabi ng kaniyang asawang si Cesar na nais ng kanilang pamilya na ibalik ang kaniyang mga labi sa Metro Manila, upang maayos silang makapagdalamhati.
Inutusan ng Department of Justice at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang National Bureau of Investigation at ang Philippine National Police, ayon sa pagkakabanggit, na magsagawa ng awtopsiya.
Nag-utos din ang DILG na magsagawa ng isang DNA test upang matiyak ang pagkakakilanlan ng mga labi.
Gayunpaman, sinabi ng asawa ni Cabral na si Cesar na nakilala na niya at ng kanilang mga anak ang bangkay.
Noong Huwebes ng gabi, natagpuan si Cabral na “unconscious and unresponsive” mga 20 hanggang 30 metro sa ilalim ng isang highway, ilang oras matapos niyang hilingin sa kaniyang drayber na ihatid siya sa isang bahagi ng Kennon Road.
Sinabi ng hepe ng Tuba Municipal Station na idineklara ng isang doktor ng munisipyo na patay na si Cabral malapit sa Ilog Bued 12:03 a.m. nitong Biyernes.
Nauna nang inatasan ng Office of the Ombudsman ang mga awtoridad sa Benguet na iseguro ang cellphone at iba pang mga gadget ni Cabral.
Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Biyernes na may mga pagkakamali nang ibigay ng pulisya ang mga gamit, kabilang ang cellphone, ni Cabral sa kaniyang pamilya matapos siyang matagpuang patay sa isang bangin sa Benguet.
Nitong Sabado rin, hinimok ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga motoristang naglakbay sa Kennon Road kamakailan lamang na magbigay ng dashcam footage ng lugar kung saan huling nakitang buhay si Cabral sa Tuba, Benguet.
Nanawagan ang NBI sa lahat ng motorista na dumaan sa Kennon Road noong Huwebes, Disyembre 18 sa loob ng 9:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi. Hinikayat ang mga motoristang "may have dashcam footage" na ibahagi ang kanilang video ng lugar sa Sitio Maramal Camp 5, Barangay 4 sa Tuba.
Isang batikang burukrata na dating inilarawan bilang isang modelo para sa "Women in Infrastructure," nasangkot si Cabral sa mga anomalya sa mga anomalya sa flood control projects.
Idudulog sana ng Department of Justice sa Ombudsman ang isang kaso ng pandarambong na kinasasangkutan ni Cabral kaugnay ng maanomalya umanong mga flood control project sa Bulacan bago siya namatay, sinabi ni Prosecutor General Richard Fadullon sa isang press conference nitong Biyernes. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News

