Umakyat na sa 10 ang bilang ng mga nasawi habang 26 pa ang nawawala pagkatapos ng malagim na pagguho ng bundok ng basura sa Barangay Binaliw, Cebu City nitong nakaraang linggo.

Ito ay ayon sa isang ulat sa “Saksi” nitong Lunes ng gabi.

Kabilang sa mga nasawi si James Carl Andrino, 26, na pinangarap makapagtrabaho sa ibang bansa at pinoproseso na ang kanyang mga papeles noong siya ay nasawi.

Si Andrino ang bisor ng pribadong landfill site.

Ang isa pang nasawi, si Rowena Ranido, ay buhay pa nang siya ay matagpuan ng mga rescuers, ngunit hindi sya agad nailabas.

Nauna nang naglabas ng cease-and-desist order ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Central Visayas laban sa Prime Integrated Waste Solutions, Inc. (PWS), ang operator ng naturang landfill site.

Ito ay matapos ang isang site inspection ng DENR – Environmental Management Bureau (EMB) noong Biyernes.

Sabi ng DENR, nakikipag-ugnayan sila sa landfill operator sa pag-aaral ng kanilang oversight measure at siguruhin na sila ay sumusunod sa mga batas pangkalikasan. — Mariel Celine Serquiña/JMA GMA Integrated News