Batay sa pahayag ng Ateneo de Manila University, tinangay ng rip tide o rip current kaya napunta sa malalim na bahagi ng dagat saka nalunod ang Ateneo de Manila student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Ayon sa National Oceanic and Atmospheric Administration, ang rip current ang makitid na surface current na humahatak ng anumang bagay papalayo sa pampang.
Maiispatan ang rip current kapag inobserbahan ang alon.
Kung mapansin na ang dagat na hindi nababasag ng alon, rip current iyan.
Sakaling mahatak ka ng rip current, payo ng mga eksperto — mag relax. Kung kaya mong lumangoy, subukang lumangoy sa gilid ng rip current pabalik sa pampang.
Kung ikaw naman ang nasa pampang at nakitang may nalulunod, maging kalmado at humingi ng tulong sa life guard o mga awtoridad.
Kung walang mahingan ng tulong, maghanap ng flotation device o anumang bagay na lumulutang na pwedeng maihagis. At kung kayang di na lumusong sa tubig mas mabuti.
Kung kailangan lumangoy para sagipin ang biktima, mas mainam na may dala kang flotation device. — BAP GMA News
