Hiniling ng isang migrant rights group sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes na imbestigahan ang pagkamatay ng isang Pinay domestic helper sa Jeddah, Saudi Arabia, na sinasabing nagpakamatay umano sa pamamagitan ng pagtalon sa isang gusali.

Ayon sa Blas F. Ople Policy Center, dalawang linggo pa lang nagtatrabaho si Jennifer Ross Acuna-Reyes, nang maganap ang pagtalon umano nito mula sa tinutuluyan ng kaniyang amo na nasa ikapitong palapag ng gusali noong Mayo 28.

Sabi ni Susan Ople, namumuno sa policy center, na dapat siyasatin ang DFA at Philippine Embassy sa Saudi Arabia ang nangyari kay Reyes dahil sa magkakaibang pahayag ng mga testigo, pamilya ng biktima, at maging ng amo ng biktima.

"The family is convinced that their daughter did not commit suicide," ani Ople. "Her employer is claiming otherwise."

Pero ayon kay Charmaine Aviquivil mula sa Office of Public Diplomacy Executive Director ng DFA, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga abogado ng embahada, sa tulong ng mga awtoridad ng KSA.

"The investigation will be extremely thorough especially because of the allegations that she died in her employer's flat, where she is supposed to be safe," saad niya sa GMA News Online.

"The embassy will continue to monitor the case and provide updates as soon as available," dagdag ng opisyal.

Ayon sa policy center, apat na araw bago mangyari ang insidente, nakausap pa umano ni Reyes ang mister nito na isang hotel worker.

Sinabi umano ni Reyes sa asawa na maayos naman ang kalagayan niya.

Nalaman naman sa mga naglilinis sa gusali kung saan tumalon umano si Reyes na may naamoy daw silang hindi maganda mula sa tinutuluyan ng amo ng Pinay bago nadiskubre ang katawan nito.

Kakaunti rin lang umano ang dugo na nakita sa lugar na binagsakan ng katawan ni Reyes.

“According to Filipinos living near the building, there was hardly any blood found on the site where she allegedly fell from the 7th floor and landed with her face down on the grass,” paliwanag ni Larry Acuna, Sr.,  ama ni Reyes.

Hiniling din ni Ople sa Philippine Overseas Employment Administration at sa Philippine Embassy na i-blacklist ang amo ni Reyes.

Nangako na umano ang Overseas Workers’ Welfare Administration ng lahat ng tulong sa pamilya ni Reyes.

Samantala, hiniling naman sa recruitment agency ni Reyes na Sphinx Group Manpower Provider, Inc., na tumulong din sa pamilya para sa pagpapauwi ng mga labi ng OFW, at ibigay ang lahat ng nararapat na benepisyo. — FRJ, GMA News