Kinumpirma ng isang opisyal ng Dinagat Islands na natagpuan na ang nawawalang civilian aircraft na RP-C2444, na napaulat na bumagsak sa mabundok na bahagi ng Barangay Navarro sa bayan ng Tubajon sa Dinagat Islands.

Sa ulat ni Jandi Esteban ng GMA Regional TV, sinabi ni Dinagat Islands Governor Nilo Demerey, Jr. na iniulat ng mga residente na nakarinig sila ng malakas na pagsabog bandang 1 p.m. nitong Miyerkules, Abril 8, 2026.

Matapos matanggap ang impormasyon, kaagad umanong inalerto ang Municipal Disaster, Provincial Disaster, pulisya, Coast Guard, at BFP upang suriin ang lugar. Doon na natukoy ang Cessna na may tail number 2444 o ang RP-C2444, sabi pa ni Demerey.

Natagpuan din ng mga residente ang mga aircraft debris sa lugar, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).

Nagpapatuloy pa rin ang rescue operations para sa mga sakay nito.

“Authorities assure the public that all necessary measures are being undertaken to ensure a thorough and coordinated response. Efforts remain focused on search, retrieval, and ensuring the safety of responders and nearby communities,” sabi ng PDRRMC. – Jamil Santos/FRJ GMA News