Hindi talaga masusukat ang pagmamahal ng mga kababayan nating nangingibang-bayan para kumayod upang matulungan ang kanilang mga mahal sa buhay.

Gaya na lang ng mga nakatatandang sina Precila Nefalar, 70-anyos at Milagros Villar, 76-anyos, na patuloy na namamasukan bilang kasambahay sa Hong Kong.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing naging saksi si Nefalar, mas kilala sa tawag na nanay Precy ng mga kapwa OFW, sa mga pagbabagong naganap sa Hong Kong, partikular sa mga lugar na tambayan ng mga OFW sa loob ng 35 taong pananatili niya rito para magtrabaho.

"Itong Hong Kong noong 1982 nandito ako, bihira pa lang ang mga building," kuwento ni nanay Precy na nanatiling malusog ang pangangatawan.

Pero kahit 70-anyos na, wala pa sa isip niya ang magretiro at patuloy pa rin siya sa pagkayod bilang domestic helper para matulungan ang may sakit na kapatid.

Ngayong matatapos na ang kontrata niya sa employer ngayong taon, hihintayin niya ang desisyon ng mga ito kung papipirmahin pa siya sa panibagong kontrata na dalawang taon.

Samantala, inabutan naman ng GMA News si Villar, o nanay Mila, na kumukuha ng bagong kontrata para patuloy na mamasukan sa HK.

Kuwento niya, isang amo lang ang kaniyang pinagsilbihan sa nakalipas na 34 na taong pamamasukan bilang kasambahay sa HK.

"Lima ang alaga ko, lahat sila nakapagtapos na. Wala pang anak ang amo ko nang mamasukan ako sa kanila," pagbahagi niya.

Kahit nababakas na sa paglalakad ni nanay Mila ang iniinda niyang arthritis, patuloy pa rin siya na makipagsabayan sa buhay sa Hong Kong. Ang mga anak niya sa Pilipinas ang nagsisilbi niyang inspirasyon.

At sa kaniyang pag-uwi matapos ang dalawang taong kontrata, nasasabik siya na pagsalubong sa kanya ng mga apo.

Ilan lamang sina nanay Precy at nanay Mila sa mga dakilang OFWs na patuloy na kumakayod sa ibang bansa sa kabila ng kanilang katandaan, tinitiis ang lungkot at hirap para makatulong sa kanilang mga mahal sa buhay na naiiwan sa Pilipinas. -- FRJ/KVD, GMA News