Nasawi sa isang aksidente sa Cambodia nitong Linggo ang dating basketbolista at PBA center na si Cris Bolado, na kilala sa bansag bilang si "Jumbo."

Naninirahan na ngayon ang 6-foot-7 na si Bolado sa Cambodia kung saan mayroon siyang restaurant na "Inasal Nation."

Ibinalita ng naturang restaurant ang nangyari kay Bolado sa isang Facebook post.

Batay sa ulat ng Cambodian news site na Fresh News Asia, sakay si Bolado ng motorsiklo nang mabangga ito ng isang sasakyan.

Pumanaw si Bolado habang dinadala sa ospital.

Naglaro sa koponang Alaska si Bolado noong 1994, at kasama sa Gram Slam ng Aces noong 1996.

Nakapaglaro rin siya sa koponan ng Purefoods at Barangay Ginebra San Miguel.

Napanood din si Bolado bilang kalahok sa "Survivor Philippines: Palau" sa GMA-7 noong 2009. — FRJ, GMA News