Matinding pahirap ang dinanas ng isang Pinay overseas worker sa kamay ng kaniyang mga amo sa Malaysia. Ang dating guro sa Pilipinas, binugbog, pinaso at binuhusan daw ng kumukulong mantika.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita sa mga larawan ang matinding dusa na inabot ni Joramie Garcia Torres sa kaniyang pangingibang bansa para makatulong sa pamilya.

Sobrang payat na ang kaniyang katawan at lapnos ang mga balat dahil umano sa pagpaso ng mainit na kaldero at pagbuhos ng kumukulong mantika na gawa raw ng kaniyang amo.

"Yung kanang mata niya medyo nanlalabo na. Yung kaliwang mata niya yung medyo malinaw pa. Pero ang kaliwang parte ng bibig niya dikit dahil sa paso ng kawali. Tapos nagtutubig ang pisngi niya hanggang noo niya. Yung kaliwang pisngi niya, tuyo na dahil sa basang init ng mantika," kuwento ni Raccie Torres, kapatid ng OFW.

Umalis umano ng bansa ang biktima noong nakaraang Disyembre at nagtungo sa Malaysia matapos mag-apply sa isang agency sa Quezon City.

Una raw nadestino ang biktima sa Ipoh, Perak pero wala pang isang buwan ay tumakas na raw ito dahil pinagbantaan na hahalayin ng amo. Nagpunta ang OFW sa sister agency ng recruiter at ipinasok sa ibang amo na isang finance manager umano sa isang oil refinery.

Mula noon, hindi na raw nakausap ng pamilya ang biktima maliban noong Pebrero 1 na pista ng Silang kung saan malungkot na raw ang OFW at tila umiiyak.

Iyon na raw ang huling komunikasyon nila sa biktima hanggang sa malaman nilang nawawala na ang OFW noong Hunyo nang may nagpadala sa kanila ng impormasyon.

Wala naman daw ibinigay na impormasyon sa kanila ang agency ng biktima nang makipag-ugnayan sila para malaman ang kalagayan ng OFW.

Setyembre 1 nang makatanggap ang pamilya ng tawag mula sa mag-asawang OFW na tumulong sa biktima at nakakita sa kalunos-lunos na kalagayan nito.

Sabi ni Raccie, madaling araw nang makita umano ang kaniyang kapatid na OFW sa abandonadong lote na dating pozo negro.

Dahil inakala ng mag-asawa na undocumented OFW ang biktima, itinago nila ito sa sako at palihim na dinala sa simbahan at doon ay muli niyang nakausap ang pamilya sa Pilipinas.

Ayon sa ama ng biktima na si Ramon, umiiyak ang kaniyang anak nang makausap niya sa telepono pero nanatiling matatag at nangakong ipaglalaban ang nangyari sa kaniya.

"Umiiyak eh, sabi, 'Tay nahirapan ako rito tay. inano nila ko. 'Wag ka mag-alala tay, ilalaban ko 'to.' Sa isip ko pa lang ho, yung salitang ilalaban ko, talagang pinahirapan ang anak ko," saad ng ama.

Matapos makausap ang pamilya, inihatid ng mag-asawang OFW ang biktimang si Joramie sa shelter ng Philippine Embassy sa Malaysia.

Ayon sa pamilya, lumapit na sila sa Department of Foreign Affairs sa Maynila para kumustahin ang kalagayan ng anak.

Pero sinabihan umano sila na patuloy pa ang kaso at inaasikaso nila ito.

Bagaman nadakip ang mag-asawang amo ni Joramie, nakalaya naman ang mga ito nang makapagpiyansa.

Inirereklamo rin ng pamilya ang agency ni Jomarie dahil umano sa pahayag nito na tila pinagdududahan ang kanilang anak na plano talagang talakasan ang amo.

Bukod dito, sinabi din umano ng agency na nakabalik na sa Pilipinas ang biktima.

Hindi muna pinangalanan ang agency habang hindi pa nakukuha ang kanilang panig.

Labis ang sobra ng sama ng loob ng pamilya sa sinapit ng biktima dahil dati itong guro sa Pilipinas at piniling mag-abroad para makatulong sa pamilya.

"Napakasakit, teacher ang anak ko dito tapos makikita ko ganiyan na lang ginawa nila, Nagbabakasakali lang naman siya na makatulong sa amin. Ang pangarap niya unang niyang bibilhin tricycle ng tatay niya," ayon sa ina.

Humihingi rin ang pamilya ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte para makamit ang hustisya at maiuwi nang maayos si Joramie.

Nakatakda ang susunod na pagdinig sa kaso ni Joramie sa Oktubre. -- FRJ/KVD, GMA News