Inilabas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes ang mga implementing rules and regulations o IRR para sa Republic Act No. 10928, ang batas na nagpapahaba ng validity ng Philippine passport na mula sa limang taon ay ginawang 10 taon.
Nakasaad sa IRR, na magkakabisa ang bagong passport validity sa January 1, 2018. Ang mga regular na pasaporte na inisyu sa mga Pilipino na may edad 18 at pataas sa araw na iyon ay magiging valid ng sampung taon. Samantala, limang taon naman ang bisa ang mga inisyu sa mga menor de edad.
IRR para sa 10-taong validity ng passport inisyu ng DFA @dzbb pic.twitter.com/OnmtQT7pIQ
— Nimfa R. Ravelo (@nimfaravelo) October 26, 2017
Kailangang dalhin sa DFA ang mga pasaporte na nasira, wala nang bisa, o pawala na ang bisa kapag nag-apply ng pamalit o renewal.
Makatatanggap din ng mga pasaporte na may 10-years validity ang mga first-time applicants.
Gayunpaman, maaari raw limitahan ng DFA ang bisa ng mga pasaporte ng mas mababa sa 10 taon, "whenever the economic interest or political stability of the country requires such restriction," ayon sa IRR.
"For these purposes, the Department of Foreign Affairs may, among others, add pages, change materials and enhance security features of the passports. Additional fees will be imposed for the improved passports," sabi ng IRR.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang R.A. 10928 noong Agosto. — Jamil Santos, GMA News
