Nawala sa isang iglap ang pinaghirapan sa ibang bansa ng tatlong overseas Filipino workers na kababalik lang sa bansa matapos silang salisihan at pagnakawan ng babaeng nakilala nila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA news "Saksi" nitong Huwebes ng gabi, napag-alaman na nakilala ng mga biktima na galing sa Kuwait ang isang babae na nagpakilalang Gabriel Rut, at nag-aya sa kanilang magsama-sama na lang sa hotel na kanilang tutuluyan para makatipid.
Nagtiwala naman ang mga biktima at nang makapag-check-in na sa hotel ay naisipan nilang kumain sa isang mall.
Sinabi ng mga biktima na sinabihan sila ng suspek na perang pambili na lang ang dalhin at iwan na ang mga gamit sa hotel.
Nakombinsi muli silang sumunod sa suspek dahil maging ang cellphone daw nito ay iniwan rin lang sa kuwarto.
Pero nang kumakain na sila, nagpaalam daw ang suspek na magwi-withdraw lang at umalis. Nang hindi kaagad bumalik ang babae, doon na kinabahan ang mga biktima at bumalik sila sa hotel pero huli na ang lahat.
Natangay na ng salarin ang kanilang mga pera, bag, cellphone at maging ang mga pasalubong.
Sa kuha ng CCTV mula sa isang hotel sa Pasay, makikita ang suspek na babae na nagmamadali habang bitbit ang mga bagahe ng mga biktima.
"Ang laki-laki ng kinuha niya sa akin. Kahit isang libo, hindi niya itinira para lang pamasahe ko pa-GenSan," hinanakit ng isang biktima.
"'Yung pera ko pinaghirapan ko 'yun. Naglilinis ako ng buong bahay nila para makasahod ako tapos 'yun," dagdga niya.
Ang isang biktima, sinabing nakuha rin ng suspek ang P14,000 na para sana sa pag-aaral ng kaniyang anak.
"Salbahe siya. Ang pera namin na pinaghirapan kunin niya lahat," saad nito.
"Dugo't pawis ko 'yun eh. Two years and six months ko 'yung pinaghirapan. Pinaghandaan ko talaga ang pag-uwi ko," ayon naman sa isa pang biktima.
Nagsasagawa na imbestigasyon ang pulisya para makilala ang salarin, habang pinayuhan naman ng mga awtoridad ang publiko na huwag basta magtitiwala sa mga nakikilala nila sa paliparan. -- FRJ, GMA News
