Sa halip na magandang buhay para sa pamilya sa Pangasinan, pagmamaltrato at pananakit umano ang sinapit ng isang OFW sa Bahrain mula sa kaniyang mga amo.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban, sinabing namasukan bilang caregiver si "Lory," 'di niya tunay na pangalan, 48-anyos na taga-Dagupan, pero ginagawa rin daw siyang kasambahay ng mga anak ng kaniyang inaalagaan.
Dapat daw ay walong oras lang ang kaniyang trabaho pero naging tatlong oras na lang umano ang kaniyang pahinga kada araw dahil sa ginagawa rin siyang kasambahay.
Kapag hindi siya sumunod sa mga utos, pinagagalitan at sinasaktan ng mga amo.
"Sobra ang hirap tinitiis ko lang kahit nahihirapan kahit napupuyat sige trabaho," sabi ni Lory nang makabalik na sa bansa.
Nang hindi na raw matiis ni Lory ang pananakit, minabuti niyang magpaalam na lang sa amo para umuwi sa Pilipinas pero hindi siya pinayagan ng mga ito.
Kinuha raw ng amo ang kaniyang cellphone at pinagtulungan pa siyang bugbugin.
Kahit idinepensa lang daw niya ang kaniyang sarili sa pananakit, siya pa raw ang inireklamo ng mga amo niya at dalawang linggong nakulong.
Nang malaman ng kaniyang mister sa Pilipinas ang kaniyang sinapit, kaagad itong nakipag-ugnayan sa Public Employment Service Office sa Dagupan City para matulungan ang OFW.
Sa tulong ng PESO at ng lokal na pamahalaan, nakauwi na sa Dagupan si Lory.
"Kahit na ganoon ang nangyari sa kaniya, nakangiti siya noong nakausap namin siya. She was very, very thankful na buhay siya na nandito na siya sa Pilipinas," sabi ni Joy Siapno, manager ng PESO ng Dagupan City.
Natanggap na rin ng Overseas Workers Welfare Administration ang nangyari sa OFW, at sinampahan na raw ng kaso ng OWWA ang employer ng biktima. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
