Isang Pinoy bodybuilder ang inaresto ng mga awtoridad sa Queens, New York sa Amerika dahil umano sa pagkakasangkot sa child pornography.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabing ginamit ni Keith Liwanag ang Facebook upang makapanghikayat ng mga taong gagawa ng kalaswaan sa mga bata kapalit ng malaking halaga.
Sa reklamong inihain ng US Attorneys' Office, nakasaad na nakahanap umano ng mga kasabwat na bugaw sa Pilipinas si Liwanag para maghanap ng gagawa ng sex video ng mga menor de edad sa pamamagitan ng FB chat.
At dahil malaki umano ang alok ni Liwanag, may mga magulang na nakumbinsi na gumawa ng kahalayan sa kanilang mga anak.
Nakakuha umano ang mga awtoridad ng sampung recorded video conference mula sa FB account ni Liwanag.
Kapag napatunayang nagkasala, posibleng makulong ng hanggang 30 taon si Liwanag, na hindi pa nagbibigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News
