Photo from PCOO Asec. Mocha Uson's Facebook page

 

Sinimulan na ng Department of Labor and Employment ang pamimigay ng OFW ID card o "iDOLE," na magagamit ng mga OFW sa transaksiyon nila sa gobyerno at mga pribadong sektor na may kaugnay sa mga migranteng manggagawa. Pero may ilang pumuna sa disenyo ng card na makikita ang larawan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Makikita sa Facebook page ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson ang sample ng naturang OFW ID.

Nitong nakaraang linggo, nakasaad sa isang pahayag ng DOLE na ang mga nagbabalik na OFWs o Balik-Manggagawa, ang unang makatatanggap ng iDOLE OFW ID Card sa unang parte ng pamamahagi nito sa mga migranteng manggagawa.

“This is only the first phase of implementation and will cater first to our Balik-Manggagawa until the system is ready for all OFWs. We are doing this to secure the database and for further improvements in the system,” sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Bagaman ikinatuwa ng marami ang nakitang sample ng ID, may ilang pumuna sa larawan ni Duterte sa card.

"Ung mukha ng owner black and white, ung mukha ni PRRD colored, Ung mukha ng owner maliit  Ung mukha ni PRRD mas malaki," sabi ni Jorwin Villanueva Carmona ng Saudi Arabia na nagkomento sa naturang post ni Uson.

"Ayaw ng pangulo ng ganyan epal style ok na ung kamaong du30," sabi naman ni Alfred Pili.

Nang hingan ng reaksyon si presidential spokesperson Harry Roque Jr. tungkol sa larawan ni Duterte sa OFW ID, sinabi nito na posibleng hindi ito alam ng pangulo.

"Hindi ba pati ang mga pictures niya sa mga [government] offices pinapalitan niya ng mga heroes? I don't think he knew about this," sabi ni Roque.

Ang mga nagbalik na OFW ay kailangan na mag-log in sa kanilang "BM Online accounts" para makapag-apply ng ID cards, na maaari din nilang magamit upang makakuha ng travel tax at terminal fee exemptions. — FRJ, GMA News