Bakas pa ang pasa sa kaliwang mata nang dumating sa bansa ang overseas Filipino worker na nakita sa Facebook live na sinasaktan ng kasama niyang houseboy na Iraqi. Pero sa kabila ng sinapit, mangingibang-bansa pa rin daw siya dahil biyuda na siya at tanging inaasahan ng mga anak.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing dumating sa Pilipinas nitong Miyerkoles ng gabi ang 39-anyos na OFW na si Alice Aguilan.
Matatandaan na nag-viral sa internet video ni Aguilan matapos na makita sa Facebook live ang sinapit niya sa kamay ng katrabahong Iraqi na kaanak ng kaniyang amo noong Disyembre 22.
Dahil undocumented worker, hindi na itinuloy ni Aguilan ang pagsasampa ng reklamo laban sa Iraqi matapos siyang tulungan ng Embahada ng Pilipinas, na nagproseso rin ng mabilis niyang pag-uwi sa bansa.
"Masaya na po. Nanlalambot ako na excited na makita ang mga anak ko. Sa tagal-tagal ngayon ko lang ulit makikita anak ko sa loob ng six years na nag-stay ko sa iraq," ayon kay Aguilan.
Ayon sa OFW, bago ang insidente ay wala raw silang alitan ng nanakit sa kaniya kaya nagulat siya sa ginawa ng lalaki.
Sinabi pa ni Aguilan na naging undocumented OFW siya sa loob ng anim na taon matapos na ibenta siya ng isang kapwa-Pinay patungong Iraq mula sa Amman, Jordan.
Sa kabila ng sinapit na karahasan, balak pa rin niya na magtrabaho sa ibang bansa dahil siya na lang ang inaasahan ng kaniyang mga anak.
"Kasi kailangan ng mga anak ko ng suporta. Biyuda na ako, ako lang mag-isa inaasahan ng mga anak ko," aniya.
Sinabi naman ng Overseas Workers Welfare Office na kahit hindi dokumentado ay maari pa ring mabigyan ng benepisyo si Aguilan.
Nais din nilang bigyan ng kasanayan si Aguilan para maging handa kapag muling nagtrabaho ng legal sa ibang bansa.
"Kung ang plano ni Alice ay umalis uli, mas maganda kung makapag-training sana siya uli. Para pag-alis ni ma'am Alice, skilled worker na siya," ayon kay Brigido Dulay, Deputy Administrator, OWWA. -- FRJ, GMA News
