Magtitipon-tipon sa kauna-unahang pagkakataon para sa isang pagpupulong ang iba't ibang grupo mula sa iba't ibang bansa na nagtataguyod sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers.
Sa darating na Linggo, Enero 7, idaraos ang OFW Summit sa Women's Center sa TESDA Complex, Taguig City, mula 7:00 am hanggang 7:00 p.m. para talakayin ang iba't ibang suliranin ng mga OFW, tulad ng mga household service worker.
Ayon kay Yusoph Admain, ng isang OFW Advocate mula sa Saudi Arabia, ang dumaraming problemang kinakaharap ng mga OFWs lalo na sa sektor ng household service ang nagtulak sa kanila para magpatawag ng pagpupulong.
Ang mga mabubuong kasunduan at rekomendasyon sa naturang pagpupulong ay ipadadala umano sa Kongreso at sa Tanggapan ng Pangulo.
Kabilang umano sa tatalakyin sa isang araw na pulong ay:
• PRO-OFW bills na naipasa sa Kongreso,
• Kaso ng mga OFW na nakasampa sa Labor at Assistance to Nationals at kung paano ito mabibigyan ng mga solusyon,
• Economic Upliftment ng mga OFWs
• OFW Department/Department of Migration & Development
• Political Empowerment of OFW
• General Issues on OFW
Inaasahan na dadalo sa naturang pagpupulong sina Acts-OFW Partylist Representative John Bertiz, OFW advocate Susan Ople of the Blas F. Ople Policy Center, OWWA Administrator Hans Cacdac, Presidential Adviser on OFW Affairs Secretary Abdullah Mamao, PEZA Director General Charito Plaza, TESDA Director Guiling Mamondiong at DSWD Undersecretary Virginia Orogo.
"Para sa atin po ito mga kapwa ko OFW, panahon na magkaroon ng pagbabago sa ating hanay bilang mga mangagawang OFW," ayon kay Admain na humikayat sa mga OFW advocates na lumahok sa naturang pagtitipon.
"Kung kayo po ay kasalukuyang nasa ating bansa at nagbabakasyon dumalo po kayo at puwede po kayong magbigay ng suhestisyon na makakabuti sa ating mga OFW," dagdag niya. -- Ronaldo Concha/FRJ, GMA News
