Pinag-aaralan umano Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait dahil sa sunod-sunod na ulat na nabibiktima ng pang-aabuso sa mga migranteng Pinoy.

"We have lost about four Filipino women in the last few months. It’s always in Kuwait," sabi ni Duterte sa paglulunsad ng Overseas Filipino Bank nitong Huwebes.

"So usap kami ni [Foreign Affairs Secretary] Alan [Peter Cayetano], it's either—my advice is, we talk to them, state the truth and just tell them that it's not acceptable anymore. Either [that or] we impose a total ban," ayon sa pangulo.

Sinabi ni Duterte na dapat gumawa ng hakbang ang pamahalaan ng Kuwait.

"I do not want a quarrel with Kuwait. I respect their leaders, but they have to do something about this. Kasi karamihan ng Pilipina mag-suicide… Itong mga ‘to, they claim abuse, sexually and all, and they endure," dagdag niya.

Una rito, inilarawan ni Labor Secretary Silvestre Bello III na "problematic" ang sitwasyon ng mga OFW sa Kuwait dahil sa mga reklamo ng pang-aabuso.

Nang makapanayam sa launching ng OF Bank, sinabi ni Bello na hindi siya mag-aatubili na ipatigil ang pagpapadala ng mga manggagawa sa Kuwait kapag napatunayan na minamaltrato hanggang sa mapatay ang mga OFW.

"Ilalahat ko kung sakali na totoo, kung ganoon ang istorya na there were deaths resulting from maltreatment or abuse," aniya.

Kamakailan lang, nanawagan si Super Tekla na imbestigahan ang pagkamatay ng kaniyang kapatid na nagtatrabahong kasambahay sa Kuwait na sinasabing nagbigti.

Karamihan umano sa mga OFW na nagtatrabaho sa Kuwait ay mga yaya at kasambahay.

Batay sa tala ng Workabroad.ph., ang Kuwait ang ikaapat na puntahan ng OFW noong 2017— FRJ, GMA News