Isang OFW na sinasaktan umano ng kaniyang among lalaki sa Kuwait ang nasagip ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) matapos na humingi ng tulong ang kaniyang tiyahin na nasa Pilipinas.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras," sinabing emosyonal si Jane Continente nang isalaysay sa OWWA ang sinapit ng kaniyang pamangkin sa kamay ng amo tulad ng pagbato rito na naging dahilan para mamamaga ang mata.

"Namaga yung mata niya tapos nu'ng nalaman na nagko-contact sa magulang, binabatukan at saka sinusuntok sa katawan. Tapos hindi nga sila pinapakain, isang beses lang sa isang araw. Tapos pina-pad lock sila sa bahay," sabi ni Jane Continente, tiyahin ng OFW.

Marso 2017 nang magtrabaho umano bilang domestic helper ang kaniyang pamangkin sa Kuwait.

"Magtrabaho ka, ibigay mo 'yung, parang buong puso 'yung pagtatrabaho mo tapos makaranas ka pa nang pagmamaltrato. Parang pinakamahirap yata na maransan mo 'yon," sabi pa ni Continente.

Ikinuwento pa raw ng pamangkin na nakita rin nito na sinasakyan ng kaniyang amo ang mismong asawa.

Kaagad namang natunton ng OWWA ang kinalalagayan ng OFW kaya isinagawa ang rescue assistance.

"Kung siya ay nasagip, dadalhin siya kaagad sa ospital para sagipin siya," sabi ni Hans Cacdac, administrador ng OWWA.

"Maaring nagtatapang-tapangan lang 'yan pero matindi na 'yung pagpaparamdam natin na binabantayan natin siya," sabi naman ni Cacdac tungkol sa lalaking employer.

OFW na binugbog sa Jordan

Samantala, nagpapagaling ngayon sa ospital si Victoria Perdagorda, ang OFW na nakaranas ng matinding kalupitan sa kaniyang among babae  sa Jordan. 

Sumailalim si Perdagorda sa iba't-ibang pagsusuri tulad ng MRI, at posible siyang maoperahan sa panga.

Hiling niyang matigil na sana ang pagmamalupit sa mga OFW.

"Pagpatuloy na lang din nila 'yung pagdarasal nila sa mga taong kagaya ko. At saka salamat na lang din sa inyo dahil sa dasal ninyo tuluyan na akong gumagaling," sabi ni Perdagorda.

Sinagot ng OWWA ang pagpapaospital sa kaniya, samantalang inaayos ng NBI ang kaniyang medico legal katulong ang OWWA para makasuhan ang kaniyang employer.

"Itutuloy ko 'yun hanggang sa anumang resulta," sabi ni Perdagorda.

"Iko-coordinate natin sa DFA 'yung ganiyang aspeto, 'yung paglo-launch ng imbestigasyon du'n. But first and foremost is her health," sabi pa ni Cacdac.

Ang pondo para sa legal assistance fund ng mga OFW ay P1 bilyon sa ngayon.

Nangako naman ang DFA na magiging mas mabilis at mas malawak ang tulong sa mga OFW na biktima ng pang-aabuso. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News