Naglabas ng "updated" version ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng kautusan na nagbabawal sa pagpapadala ng mga overseas Filipino worker sa Kuwait.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 54 A, Series of 2018, na pinirmahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III, sakop ng ban ang, "all types of workers being deployed for the first time for overseas employment in Kuwait, without distinction as to skill, profession, or type of work."
Hindi na kasama sa ban ang mga migranteng manggagawa na nagbabakasyon sa Pilipinas, at babalik din sa kani-kanilang trabaho sa Kuwait para tapusin ang kanilang kontrata.
Ang mga Balik Manggagawa (BM) na may bagong kontrata sa dating pinasukan ay pinapayagan din na makabalik sa Kuwait, gayundin ang mga marino na doon sasakay ng barko para sa kanilang mga papasukan.
Patuloy ding magbibigay ng Overseas Employment Certificates (OECs) ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) at Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) sa mga manggagawa na hindi sakop ng ban. Gayunman, kailangan nilang kumuha ng clearance mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ipinatupad ng pamahalaan ang deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagkakadiskubre sa bangkay ng OFW na si Joanna Demafelis sa loob ng freezer ng isang abandonadong apartment unit sa Kuwait noong nakaraang linggo.
BASAHIN: OFW sa freezer na si Joanna Demafelis, nagtungo ng Kuwait na puno ng pangarap
Bago nito, sinuspindi ng DOLE ang pagpapadala ng mga first time OFW sa Kuwait dahil sa mga ulat ng pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga migranteng manggagawa sa nabanggit na bansa. -- FRJ, GMA News
