Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration sa mga Pinoy tourist at overseas contract workers sa Macau na mag-ingat sa mga nag-aalok ng trabaho para sa mainland China.

Ang babala ay ginawa ng POEA matapos ipagbigay-alam sa kanila ng Department of Foreign Affairs ang kaso ng isang Pinay household service worker na naloko umano ng isang kapwa Pinay na nagngangalang Pia Ciabacal.

Sa pahayag ng POEA nitong Huwebes, sinabing base sa impormasyong ibinigay ng DFA, inalok umano ni Ciabacal ang kababayang OFW ng katulad na trabaho sa Beijing na may buwanang sahod na RMB7,500.

Bagaman nakapasok umano na domestic worker ang biktima sa China, tumanggi ang kaniyang mga amo doon na pasahurin siya. Kinumpiska rin umano ang passport at cellular phone ng OFW.

Sinasabing nagtatrabaho si Ciabacal at ilan pang Pinoy sa Macau bilang ahente para sa isang Chinese recruiter na tinukoy sa pangalang “Fancy.” 

May ginagamit din umanong prente na establisimyento para sa kaniyang iligal na gawain si Fancy, na tinatawag na MMC Enterprises sa Beleno Shop, Red Market sa Macau.

May natanggap din umanong impormasyon ang POEA na may mga Pinoy household service workers sa Hong Kong, Singapore at Cyprus ang iniinganyo na lumipat sa ibang bansa gaya ng Dubai, Mongolia, Turkey at Russia.

Gayunman, ibang trabaho umano ang maghihintay sa mga OFW pagdating nila sa nabanggit na mga bansa, o kaya naman ay wala talaga silang trabaho na makukuha.

Dayuhan umano ang karamihan sa mga illegal recruiter at may mga kasabwat na Pinoy.— FRJ, GMA News