Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng ipatupad din niya ang deployment ban ng mga overseas Filipino worker sa ibang bansa na hindi maayos ang pagtrato sa kaniyang mga kababayang manggagawa.
Ginawa ni Duterte ang pahayag nitong Lunes kasabay ng deklarasyon na mananatili ang deployment ban sa Kuwait.
“The ban will continue and it will extend to other countries. Mahirapan sila, well, humihingi na ako ng tawad sa inyo. Wala akong kaplano na ipadala kayo [overseas Filipino workers] doon tapos babuyin kayo. Hindi ko style ‘yan,” pahayag ni Duterte sa kaniyang talumpati sa Filipino-Chinese businessmen sa Manila Hotel.
Muli rin siyang nakiusap sa Kuwait at iba pang bansa sa Middle East na tratuhing may dignidad at respeto ang mga OFW.
“I repeat, the Filipino is a slave of nobody. The Filipino seeks to work abroad to earn a living so that he can help his family because the economy here, local, cannot absorb the entire workforce who would want to," giit niya.
Patuloy pa ng pangulo, “The only thing that we ask is that you give us the dignity of a human being, you treat us humanely, be tolerant of our cultural differences and do not abuse our women because it will inflict a long and lasting wound. Maybe this generation cannot and will not forget it.”
Sinabi ni Duterte na nakahanda ang Department of Trade and Industry na magbigay ng livelihood assistance sa mga babalik na OFWs.
Hinikayat niya ang mga Pinoy na ikonsidera at gawing alternatibong papasukan ang China na nangangailangan umano ng mga English teacher.
“Will it involve hardships? Yes. Will it involve sacrifice? Yes. Would it mean anger? Yes. To me, yes. Tanggapin ko lahat. I’m ready to admit everything but the ban stands,” sabi ni Duterte.
“Umuwi lang kayo dito maski na papaano matulungan ko kayo maski sa pagkain. And maybe in the fullness of God’s time, if we can really improve the economy, I could give you livelihood projects,” dagdag pa niya.
Ipinatupad ng pamahalaan ang ban sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait, kasunod ng pagkamatay ng pitong Pinoy doon na patuloy pang iniimbestigahan.
Kabilang dito ang kaso ni Joanna Demafelis, na nakita ang bangkay sa freezer.
Sinabi ng Malacañang na nakatakdang bumisita si Duterte sa burol ni Demafelis sa Iloilo sa linggong ito.— FRJ, GMA News
