Ligtas at nasa deportation center sa Dammam, Saudi Arabia ang isang Pinay overseas worker na unang iniulat na nawawala hanggang sa inakalang siya ang pasyenteng comatose sa isang ospital sa Kuwait.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Hans Cacdac said Thursday, natunton ng mga Philippine labor officer sa KSA at Kuwait ang tunay na kalagayan at kinaroroonan ni Norisa Manambit.

"Sa huling report po ay mukhang si Norisa Manambit ay nasa deportation center sa Dammam, Saudi Arabia." sabi ni Cadcad sa panayam ng programang "Dobol A sa Dobol B" sa dzBB radio. 

"Hindi siya nasa Kuwait at comatose," sabi pa ng opisyal.

Kahit nakita na si Manambit, sinabi ni Cadcad na aalamin pa rin nila kung talagang may Pinay na comatose sa isang ospital sa Kuwait.

"'Yun na lang ho ang kukumpirmahin natin kasi posibleng meron pa ring naroon sa Kuwait hospital na comatose. Pinatitingnan po natin ito," sabi niya.

Matatandaan na isang video ng pasyenteng walang malay ang ipinost sa social media ng isang Pinay nurse na unang inakala na si Manambit.

Maging ang mga kaanak ni Manambit ay nasorpresa nang inakala na ang mahal nila sa buhay ang nasa video gayung ang pagkakaalam nila ay nasa Dammam ito nang umalis noong nakaraang taon.

Hindi nabanggit ni Cacdac kung ano ang dahilan at nasa deportation center si Manambit. —FRJ, GMA News