Kabilang ang pagkakaroon ng bank account ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa mga napagkasunduan ng Pilipinas at Kuwait. Sa ganitong paraan, malalaman umano kung sumasahod sa tamang oras ang mga migranteng manggagawang Pinoy sa nabanggit na bansa sa Middle East, ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Cayetano na ang naturang usapin sa bank account ay kabilang sa mga probisyon na nabuo sa pinag-usapang kasunduan ng kinatawan ng Pilipinas at Kuwait para mapangalagaan ang kaligtasan at karapatan ng mga OFW.

Sa naturang pag-uusap na ginawa sa Maynila nitong nakaraang linggo, kasama rin sa napagkasunduan na dapat manatili sa OFW ang kanilang pasaporte at hindi rin kukumpiskahin ang kanilang gadget.

May nakasaad din sa paunang pag-uusap ang "provision of food, housing, clothing and health insurance for OFWs," ayon kay Cayetano.

Inamin naman ng kalihim na kailangan pa rin matiyak na maipapatupad ang laman ng kasunduan kapag napirmahan na ito.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na inaasahang mapipirmahan ang naturang kasunduan sa unang linggo ng Abril.

Maliban sa mga binanggit ni Cayetano, nakasaad sa pahayag ni Bello na kasama rin sa probisyon ng kasunduan na dapat maging "binding" ang employment contract ng OFW na mabubuo sa Pilipinas at hindi dapat bababa sa $400 ang kanilang buwanang sahod na ipadadaan sa bangko.

Pag-amin ni Bello, hindi naging madali ang pakikipag-usap nila sa mga kinatawan ng Kuwait sa mga mahahalagang usapin partikula sa pasaporte at sa kontrata.

“There was an impasse on two critical concerns as the talks were about to conclude. But we saw a breakthrough in early evening, and the Kuwaiti panel finally gave in at the last minute,” anang kalihim. -- FRJ, GMA News