Parusang kamatayan ang iginawad ng korte sa Kuwaiti nitong Linggo sa mag-asawang Lebanese at Syrian, na mga amo ng Pinay domestic helper na si Joanna Demafelis na pinatay at nakita ang bangkay sa loob ng freezer.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi umano ng source na hinatulan "in absentia" ang among lalaki ni Demafelis na isang Lebanese at asawa nito na isang Syrian .

Iginawad umano ang hatol sa unang pagdinig pa lang ng korte sa Kuwait.

Gayunman, maaari pa umanong iapela ng mag-asawa ang hatol kapag bumalik na sa naturang bansa ang mag-asawa, anang source ng AFP.

Tumanggi umano si Philippine Ambassador to Kuwait Renato Pedro Villa na magkomento at hihintayin pa umano nilang opisyal na pahayag mula sa korte.

Sa hiwalay na ulat ng Dobol B sa News TV, kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitolng Lunes ang naturang hatol batay umano sa nakuha niyang impormasyon mula kay Kuwaiti Ambassador to the Philippines Musaed Saleh Althawaikh.

"Ang Kuwaiti court convicted two employers of Joanna Demefelis and sentenced to die, i-enforce 'yung maximum penalty of death," sabi ni Bello.

Naaresto ang mag-asawa noong nakaraang Pebrero sa Damascus, Syria.

Ayon sa mga awtoridad ng Syrian, nasa kostudiya ng Lebanon si Nader Essam Assaf, habang nasa Damascus naman ang asawa niya.

Ayon kay Bello, batay sa impormasyon mula kay Althawaikh, maaari lang iapela ng mag-asawa ang hatol kung babalik sila sa Kuwait.

"Kailangan bumalik sila para maka-appeal sila. They cannot appeal in absentia," anang kalihim.

Hindi naman tiyak ni Bello kung papaano maipatutupad ang hatol dahil nasa ibang bansa pa ang mag-asawa.

"Hindi ko alam kung merong extradition treaty ang Kuwait with Lebanon and Syria. At kung meron man, may konting problema, complication lang kasi alam naman natin kapag sa extradition treaty, 'yung national ng Kuwait ang (suspect) kaya pinapa-extradite nila," paliwanag ni Bello.

"Pero dito kasi, ang (suspect) 'yung Lebanese national. Ewan ko kung sakop ng treaty 'yan," patuloy niya. -- FRJ, GMA News