Hinikayat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga manggagawang Pinoy sa Kuwait na nais nang umuwi na kumuha ng amnesty program ng nasabing bansa bago sumapit ang Abril 12.

"'Wag na pong mag-atubili at mag-apply na po para maka-avail na po ng amnestiya," pahayag ni OWWA adminstrator Hans Leo Cacdac sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes.

Bagaman sa Abril 12 ang deadline sa pag-aplay sa amnesty program, ganap na matatapos ang programa sa Abril 22.

Nitong Miyerkules ng gabi, panibagong grupo ng mga OFW na umaabot sa 100 na nagmula sa Kuwait ang sinalubong ng OWWA sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Mula nitong nagdaang Pebrero, umabot na umano sa 4,000 OFWs ang bumalik sa bansa mula sa Kuwait.

Kabilang sa mga nagbalik na OFW si Mary Jane Buenavidez, na nakaranas ng labis-labis na pagtatrabaho umano sa kaniyang amo.

"Wala 'kong day-off, sir, tapos pinapatulog ako ng amo ko alas-dose. Tapos gising ako ng alas-singko. Pagka alas-sais, magsimula 'ko ng trabaho ko," kuwento niya.

Ikinuwento naman ng isa pang OFW ang labis na paghihigpit ng kaniyang amo sa Kuwait.

"Halos lahat, kailangan hawakan ng passport. Then tulad ko, 'yung aking pitaka, 'yung aking civil ID, 'di niya pinahahawakan sa akin pero nagwo-work ako sa labas as a home service salon," ayon kay Marisol Etorma.

Ang mga ganitong problema ay kabilang sa mga nais na masolusyunan ng pamahalaan ng Pilipinas sa inilalatag na memorandum of understanding sa Kuwait.

Kabilang sa mga kondisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para bumiyahe siya sa Kuwait ay ang pagkakaloob ng ibayong proteksyon sa mga OFW laban sa pang-aabuso, pagkakaloob sa kanila ng sapat na pahinga, day-off, huwag kumpiskahin ang kanilang passport at maayos na pagkain.

Ideneklara ni Duterte noong Pebrero ang total ban sa pagpapadala ng OFW sa Kuwait dahil sa mga kaso ng pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga OFW, na kung minsan ay humahantong pa sa pagkamatay ng manggagawang Pinoy.

Isa sa mga pinakagrabeng insidente ng pang-aabuso sa OFW ay ang nangyari kay Joanna Demafelis,  na natagpuan sa freezer ang bangkay.  Pinaniniwalang nakaranas muna ng pagmamalupit sa kaniyang mag-asawang amo na Lebanese at Syrian ang biktima bago pinaslang at inilagay sa freezer. --FRJ, GMA News