Nagprotesta ang ilang Pilipino na nasa Hong Kong ilang oras bago harapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Pinoy community sa naturang teritoryo ng China.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabi ni Bagong Alyansang Makabayan chairperson Eman Villanueva, dismayado sila sa pangulo dahil bigo itong lumikha ng mga trabaho sa Pilipinas.
Pinuna rin nila ang "war on drugs" ng administrasyon sa Pilipinas na dahilan umano'y ng mga nagaganap na extrajudicial killings.
Dahil sa mga protesta, naging mahigpit ang seguridad na ipinatutupad doon ng mga awtoridad.
Nakatakdang makaharap ni Duterte ngayong Huwebes ng gabi ang nasa mahigit 2,000 Pilipino sa Hong Kong.
Sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, na ang naturang pagbisita ni Duterte ay pagkakataon ng pangulo para maipakita ang pagpapahalaga ng pamahalaan sa mga OFW na nandoon na sumuporta sa kaniya noong eleksyon.
Lumipad ng China si Duterte noong Lunes para dumalo sa Boao Forum for Asia, at nakipagpulong din kay President Xi Jinping.--FRJ, GMA News
