Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes na pupunta siya sa Kuwait para saksihan ang pirmahan ng kasunduan na magbibigay ng proteksiyon sa mga OFW na nagtatrabaho sa nasabing bansa sa Gitnang Silangan.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa harap ng mga OFW sa Hong Kong na kaniyang binisita matapos siyang dumalo sa Boao Forum for Asia, at nakipagpulong din kay President Xi Jinping sa China.
Ayon kay Duterte, nagdesisyon siyang magtungo sa Kuwait dahil pinagbigyan ng kanilang pamahalaan ang kahilingan ng Pilipinas para sa pangangalaga ng mga OFW.
Kabilang sa mga hiniling ng Pilipinas ay ang hindi pagkumpiska ng mga employer sa pasaporte ng mga OFW, bigyan sila ng day off, maayos na pagkain, pitong oras na tulog at iba pa.
"I think to give honor also to the Kuwaiti government, I will go there for the signing, just to witness it. Fly in, fly out lang ako," anang pangulo.
Una rito, inimbitahan ni Kuwaiti Ambassador the Philippines Saleh Ahmad Althwaikh si Duterte sa kanilang bansa para tingnan ang kalagayan ng mga manggagawang Pinoy na nandoon.-- FRJ, GMA News
