Inamin ng isang opisyal ng Overseas Workers' Welfare Administration (OWWA) na may paglabag sa batas ng Kuwait ang ginawang paraan ng pagsagip ng Rapid Response Team ng Department of Foreign Affairs sa ilang OFW na umano'y nakararanas ng pang-aabuso sa kani-kanilang amo.

"Sa Kuwait that is a crime, iyong ginawa ng mga kasama natin sa DFA. Tapos kinunan [ng video], tapos nagyeyehey yehey pa," sabi ni Deputy Administrator Arnell Ignacio sa Super Radyo dzBB nitong Lunes.

Ayon kay Ignacio na kasalukuyang nasa Kuwait para makipagpulong sa ilang miyembro ng pribadong sektor, dapat nakikipag-ugnayan sa awtoridad ng Kuwait ang mga opisyal at kawani ng Pilipinas na nagsasagawa ng rescue operation sa mga OFW doon.

"Ang mga nag-rescue alam na alam nila na matinding krimen iyan sa Kuwait. So that's why kung gagawin iyan it's a covert operation," paliwanag ni Ignacio.

Sabi pa ni Ignacio, ang video ng isinagawang rescue operation na sinasabing "Rescue in the Desert," ay hindi dapat inilagay sa social media o ibinahagi sa media.

Kahit pa may basehan ang ginawang pagsagip sa mga nagigipit na OFW, hindi naman umano kailangang ilagay pa sa social media ang video dahil maaaring ikapahamak ito ng iba pang OFW na nasa naturang bansa.

Posible pa umanong lumalala ang problema kapag may nilabag na batas ang mga nasa kinauukulan.

"Kung iba-violate mo rin lang 'wag mo nang i-video at i-post... Parang ininsulto mo at niruyakan mo ang kanilang gobyerno," paliwanag pa ng opisyal na dating television celebrity.

Ayon kay Ignacio, isa sa mga nasagip na OFW ng RRP ay paso lang o tapos na ang kontrata sa trabaho.

Dagdag niya, nasa tatlong miyembro ng RRT ay walang "immunity" kaya maaaring ipinapaaresto ng mga awtoridad sa Kuwait.

Dalawang beses nang ipinatawag ng pamahalaan ng Kuwait si Ambassador Renato Villa kaugnay lumabas na video ng rescue operation.

Nangangamba si Ignacio na baka maapektuhan ng naturang video na naging viral sa social media ang isinasagawang negosasyon ng Pilipinas at Kuwait sa pagkakaroon ng kasunduan para sa pagbibigay ng proteksyon sa mga OFW na nagtatrabaho sa naturang bansa sa Middle East.

Ayon kay Ignacio, bahagi ng pakikipag-usap niya sa pribadong sektor sa Kuwait ang pagtulong sa pamahalaan ng Pilipinas na magtayo doon ng OFW Center, isang OFW day-off plaza at 24-hour help center para sa mga OFW.

Kamakailan lang, sinabi ni DFA Secretary Alan Cayetano na inihahanda na nila ang pagpunta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwai sa Mayo para saksihan ang pirmahan ng kasunduan ng Pilipinas at Kuwait para sa pagbibigay ng proteksyon sa mga OFW.-- FRJ, GMA News