Sa harap ng gusot sa ugnayan ng Pilipinas at Kuwait, ilang OFW ang pipiliin na patuloy na magtatrabaho sa nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan at walang plano na magbalikbayan sa kabila ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Melyn Maghanoy, halos dalawang taon nang domestic helper sa Kuwait na maayos ang kaniyang trabaho sa naturang bansa.
Sa panayam sa pamamagitan ng Skype, sinabi ni Maghanoy na Pinoy ang nais ng ibang employer sa Kuwait at ayaw kumuha ng ibang nasyunalidad.
"Yung ibang employer dito ayaw kumuha ng ibang lahi. Gusto nila 'yung Pilipino kasi mas maganda raw ang serbisyo namin," aniya.
Kamakailan lang, umapela si Duterte sa mga OFW sa Kuwait na umuwi na dahil marami namang trabaho na maaari umano silang pasukan sa Pilipinas.
Gaya ni Maghanoy, nais din ni Hengie Taton, nurse at Filipino community leader, na manatili sa Kuwait. Ganito rin umano ang sintemyento ng iba pang miyembro ng Pinoy organizations na nakausap daw niya.
"Honestly, hindi ako aalis dito hangga't mismo 'yung Kuwaiti government o 'yung employer mo mismo ang magsabi sa'yo na uwi ka na, hindi ka na namin kailangan," aniya. "We will continue working, we will continue sending our remittances that help our economy back home."
Idinahilan naman ni Lino Rosete, isang fitness instructor, malaking tulong ang trabaho niya sa Kuwait para sa pag-aaral ng kaniyang apat na anak.
"May pamilya po ako d'yan sa Pilipinas, may college ako. 'Yung sinasabi ni Pangulo na patriotism siyempre Pilipino naman ako. Pero sa tingin ko right now patriotism can't feed my family, cannot send my children to school," paliwanag niya.
Sa ulat ng Agence France Presse, sinabi ng Deputy Foreign Minister ng Kuwait na "misunderstanding and exaggeration" lamang ng minor cases ang nangyari.
Hindi raw nila nais na palalain ang sitwasyon at nais nila na patuloy na direktang komunikasyon.
Sa isang pahayag, nagpasalamat si Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano sa pahayag ng Kuwait na makakatulong daw para malampasan ang pagsubok na kinakaharap sa ugnayan ng dalawang bansa.-- FRJ, GMA News
