Pinirmahan na ng Pilipinas at Kuwait nitong Biyernes ang memorandum of understanding (MOU) para sa proteksiyon ng overseas Filipino workers sa nabanggit na bansa sa Middle East.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras," sinabing sina Labor Secretary Silvestre Bello III at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang lumagda para sa panig ng Pilipinas.

"Today, we succeeded in doing just that. A few minutes ago, we brought the relationship between our two countries to a higher level with the formal signing of the Agreement between the Philippines and Kuwait on the Employment of Household Service Workers," sabi ni Cayetano sa isang pahayag.

"With the signing of the agreement and the approval of the additional guarantees that we asked our Kuwaiti friends to extend, the more than 250,000 Filipinos in Kuwait can now be assured of prompt and effective assistance if needed," dagdag niya.

Isinulong ng Pilipinas ang pagkakaroon ng mas mahusay na sistema para sa pangangalaga sa mga OFW bunga ng mga insidente ng pagkamatay at pananakit ng mga amo sa ilang Pinay domestic helpers.

Lalo pa itong tumindi nang madiskubre ang bangkay ng OFW na si Joanna Demafelis na nakalagay sa freezer sa Kuwait noong Pebrero. Kasunod nito ang pagpapatupad ng total ban sa pagpapadala ng mga OFW sa nasabing bansa.

Sa harap ng pagsisikap ng Pilipinas at Kuwait na ayusin ang naturang problema, nagkaroon ito ng balakid nang hindi ikatuwa ng Kuwait ang paglabas ng video habang sinasagip ng ilang tauhan ng DFA ang ilang nagipit na OFW.

Nagresulta pa ito sa pagkakapatalsik sa Kuwait kay Philippine Ambassador Renato Villa.

Sa pagkakapirma ng MOU, sinabi ni Bello na irerekomenda niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang partial lifting ng deployment ban.

Una rito, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na pumayag ang Kuwait na bumuo ng special police unit na makakaugnayan ng Philippine Embassy para tugunan ang mga reklamo ng mga Filipino worker.

Magkakaroon din ng 24-hour hotline na maaaring tawagan ng mga OFW na kailangan ng tulong, hindi na kukumpiskahin ang passport at cellphone ng mga OFW, at magkakaroon din sila ng day-off.— FRJ, GMA News