Kasama ang mga pulis sa Saudi, Arabia, nasagip na ang Pinay overseas Filipino worker na iniulat sa GMA News na umiiyak at humihingi ng tulong dahil sa panggagahasa at pambababoy na ginawa umano sa kaniya ng anak ng kaniyang amo sa Taif.
READ: OFW sa KSA, ginahasa at binaboy umano ng anak ng amo
Itinago sa pangalang "Jenny" ang OFW na sinundo sa bahay ng kaniyang amo ng mga tauhan ng Consul General Edgar Badajos, kasama ang mga pulis doon.
Dinala sa police station ang OFW para kunan ng pahayag.
"Para akong binuhusan ng malamig na tubig at nabunutan ng tinik. Hindi ko alam kung hihimatayin ba ako o kung iiyak ba ako," sabi niya.
"Eto na 'yun, eto na 'yung pagkakataon ko para makaalis dito, akala ko mamamatay na lang ba ako dito," dagdag niya.
Ayon kay Jenny, tinanong siya ng kaniyang amo tungkol sa insidente.
Pero nagulat umano siya nang ibigay sa kaniya ng kaniyang amo ang pasaporte niya, resident permit (Iqama), suweldo na hindi nabayaran, at saka siya pinagbihis.
Kasalukuyan umanong tumutuloy sa social welfare agency shelter sa Taif si Jenny.
Ayon kay Badajos, makakauwi na sa bansa si Jenny matapos na pumayag siyang hindi na magsasampa ng reklamo laban sa anak ng kaniyang amo.
Sinabi ni Jenny na pumayag siyang makipagkasundo na lang para makauwi na kaagad sa Pilipinas.—Ronaldo Concha/FRJ, GMA News
