Labis ang hinagpis ng pamilya ng OFW na comatose ngayon sa ospital matapos na bugbugin umano at hampasin ng matigas na bagay sa ulo sa Riyadh, Saudi Arabia. Ang 26-anyos na biktima, nangibang-bayan daw para matulungan ang kaniyang mga magulang at kapatid.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes ng gabi, inilarawan ng kapatid ang biktimang si Aljun Andrade, na palakaibigan, mabait, masipag at mapagmahal.
Katunayan, halos buong sahod umano ang ipinapadala ni Andrade sa kaniyang mga magulang.
Ayon kay Charisaa Fernandez, hindi umano sila makapaniwala nang mabalitaan ang sinapit ng kapatid.
Isang concerned Filipino umano ang nagparating kanila tungkol sa nangyari sa kaniyang kapatid na sinasabing binugbog ng ilang 'di pa nakikilalang lalaki at posibleng pinalo pa raw ng matigas na bagay sa ulo.
Kinumpira rin niya na ang kapatid niya ang lalaki na nakitang duguan at nakahandusay sa kalsada sa Saudi at kumalat din sa social media ang larawan.
Wala umanong alam ang mga kaanak ng biktima kung sino ang nanakit kay Andrade.
Ayon kay Fernandez, sinabihan sila na magigising ang kaniyang kapatid mula sa pagka-comatose pero matatagalan dahil sa blood clot sa ulo.
Nakipagsapalaran umano si Andrade sa Saudi Arabia noong December 2017 bilang waiter. Halos lahat umano ng suweldo nito ay ipinapadala sa Pilipinas.
"Kahit allowance na lang yung natitira sa kaniya. Kahit wala siyang pera inuuna niya kami," umiiyak na pahayag ng kapatid.
Nanawagan siya sa pamahalaan ng Pilipinas na tulungan ang kaniyang kapatid at mahuli ang mga nanakit sa biktima.
"Nanawagan po ako sa DFA at embassy natin na sana naman po tulungan nyo yung kapatid ko doon. Sana mabigyan siya ng hustisya kung sino talaga yung gumawa sa kaniya yun," pakiusap ni Fernandez.
Nakipag-unayag na umano ang Philippine Embassy sa Riyadh sa Saudi police at hinihintay ang resulta ng imbestigasyon nila roon.
Nabisita na rin nila sa ospital at tinutulungan ang biktima. -- FRJ, GMA News
