Inakusahan ng isang party-list congressman ang Department of Labor and Employment (DOLE) na pinagkakakitaan umano ang OFW ID. Pero ayon kay Dole Secretary Silvestre Bello III, ipinatigil na niya ang naturang proyektong ID na para sa mga OFW.

Sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Huwebes, sinabi ni ACTS-OFW party-list Aniceto Bertiz III, na P720 ang sinisingil umano ng DOLE para makakuha ng OFW ID o iDOLE.

"This ID should be free," anang mambabatas na sinabing ang grupo pa nila ang nag-donate ng mga OFW bilang pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte.

READ:  Overseas Employment Certificate, papalitan ng OFW ID na libreng makukuha— DOLE

Dagdag ng kongresista, wala ring silbi at pakinabang ang ID.

Inakusahan din ni Bertiz ang ilang opisyal ng DOLE, kabilang na sina Secretary Bello, at Assistant Secretary Kris Ablan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), na nagpapakalat umano ng kasinungalingan laban sa kaniya.

ITINIGIL NA

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Bello na ipinatigil niya ang OFW ID matapos niyang malaman na may mga tao sa loob at labas ng DOLE na nais umanong kumita sa proyekto.

"Merong nag-alok ng pera para diyan. Pinaghahatian. Sabi ko alam mo, itong iDOLE Card para sa OFW, dapat walang gastos ang gobyerno at dapat walang gastos ang OFW. Kaya kung ganyan ang plano niyo, mabuti pa scrap natin. Which I did," anang kalihim.

Dagdag pa ni Bello, "Scrap natin ito until we can find a system that will provide an I-DOLE Card to our OFWs at no expense to the government and especially at no expense to our OFWs." — FRJ, GMA News