Naghahanap ng mga Pinoy nurse ang bansang Germany at Kingdom of Saudi Arabia, ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), 400 na Pinoy nurse ang kailangan ng Germany, habang nasa 500 naman ang kailangan ng KSA.
Dahil magaling at mapag-aruga sa pasyente kaya raw nais ng Germany ang mga Pilipino nurse.
Kabilang sa mga requirement para makapag-apply sa Germany sa pamamagitan ng government to government program ay kailangang registered nurse ang aplikante, at hindi bababa sa dalawang taong work experience.
Dapat marunong din siya ng German language.
Puwede pa rin namang mag-apply ang mga hindi marunong ng salitang Aleman pero kailangan niyang sumailalim sa German language proficiency study kapag natanggap.
Dahil government to government ang proseso, dapat sa POEA mag-apply at hindi sa agency. Dapat ding mag-register sa website ng POEA.
Ayon kay Jocelyn Sanchez, Deputy Administrator, POEA, aabot sa mahigit P100,000 kada buwan ang puwedeng matanggap na sahod ng nurse depende sa pagiging bihasa niya sa German language.
"Hindi mo pa nakuha 'yung B2 na sinasabing proficiency sa German language so P119,000 ang makukuha mo. Pero after na recognize ka, you will be receiving P140,000 plus," paliwanag ni Sanchez.
Sa August 17 ang deadline ng submission ng requirements sa Metro Manila.
Samantala, mula umanong mangangailangan ng Pinoy nurses ang Ministry of Health ng Saudi Arabia.
Sa pagkakataong ito nasa 500 Pinoy nurses umano na may iba't ibang specialty ang kailangan ng KSA.
Pinayuhan ng POEA ang mga interesadong aplikante na mag-ingat sa mga illegal recruiter.-- FRJ, GMA News
