Pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga overseas Filipino workers na piliin ang mga pinakamahusay na kandidato na kanilang ibobotong mga senador sa May 2019 midterm elections.
Ginawa ni Duterte ang pahayag nang makaharap niya ang Filipino community sa Israel sa isang Jerusalem nitong Linggo ng gabi (early Monday morning sa Manila) kung saan kasama niya ang ilang posibleng maging kandidato ng kaniyang partidong PDP-Laban tulad nina Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino, at presidential spokesperson Harry Roque.
“Pero sa totoo lang gusto ninyo ng worker? Iyong tao na totoo. Congressman puwede kayong mamili maski sino pero ‘yung mga senator lalo na, tutal malayo naman sa inyo, choose the best,” mungkahi ng pangulo.
“Ngayon hindi ako magsabi na sila ‘yon. Marami pang Pilipinong dadating diyan na tatakbo pero please naman, maawa naman kayo sa bayan ninyo. Makikita mo naman ‘yon kung anong ginagawa nang iba,” dagdag niya.
Tiniyak ni Duterte na magiging malinis at maayos ang 2019 elections na magsisilbing referendum sa unang tatlong taon ng kaniyang anim na taong administrasyon.
Kabilang sa mga iboboto sa 2019 elections ay 12 senador. -- FRJ, GMA News
