Dumating sa bansa nitong Miyerkoles ng umaga mula sa United Arab Emirates (UAE) ang 97 undocumented Filipino matapos mabigyan ng amnestiya.
Sinalubong sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng mga opisyal at tauhan ng Department of Foreign Affairs (DFA), ayon sa ulat ni Mao Dela Cruz ng Super Radyo dzBB sa Dobol B sa News TV.
Ang pinakabagong grupo ng mga Pinoy ay dumating sa Terminal 1 ng NAIA dakong 9:30 a.m. sakay ng Philippine Airlines Flight PR 657 mula sa Dubai.
Sinabi ni Consul General Paul Raymond Cortez na ang 97 ay kasama sa ikatlong batch ng mga Pilipinong walang mga dokumento sa Dubai at Northern Emirates na sinamantala ang amnesty program ng UAE.
Sinagot ng DFA sa pamamagitan ng Office of Migrant Workers Affairs, ang exit fines, iba pang multa, at ang airline tickets nila sa Maynila at pagbalik nila sa kani-kanilang probinsya.
Binigyan din ng DFA ang mga nagbalik na mga Pinoy ng financial assistance na P5,000 sa kanilang pagdating.
Hinikayat ni Cortez ang mga Pilipinong kuwalipikado na samantalahin ang amnesty program, at nangako din ng tulong mula sa Consulate General at Philippine Embassy sa Abu Dhabi.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
