Muling bumagsak ang halaga ng piso kontra dolyar nitong Huwebes na pinakamababa umano sa nakalipas na 12 taon. Bagaman magandang balita ito sa mga kaanak ng mga overseas Filipino workers, may nagsasabing nababalewala rin ang dagdag na pera dahil sa mahal ng mga bilihin at serbisyo.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing nagsara ang palitan sa P53.80 kontra sa $1.

Si Alyssa Acuña, na OFW ang asawa, sinabing hanggang P2,000 kada buwan ang inilaki ng halagang ipinapadala ng mister na nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

"Malaki po kasi sa panahon po ngayon bawat piso mahalaga," saad niya.

Gayunman, aminado si Acuña na nababalewala ang dagdag-halaga dahil sa mahal na mga bilihin.

"Kapag in-allot mo na sa budgeted items sa kailangan balewala rin po kasi high price nga po 'yung mga bilihin eh," pahayag niya.

Bukod sa mga OFW, pabor din ang mahinang piso sa mga exporter at sa mga banyagang turista na dumarayo sa Pilipinas.

Nang tanungin kung ano ang mga dahilan ng paghina ng piso, sabi ni Diwa Guinigundo, deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas, "Debt payments and debt repayments, these are the things that drive the depreciation of the peso against the U.S. dollar."

Kahit daw ang ibang pera o currency sa Asean region at Latin America ay humihina dahil sa paglakas ng ekonomiya ng Amerika.

Posible pa raw lumala ang inflation o ang bilis ng pagmahal ng mga bilihin sa paghina ng piso dahil mas magmamahal ang mga produktong imported.

Apektado rin ang local products na gumagamit ng imported raw materials.

Gayundin ang mga posibleng solusyon ng gobyerno sa pagmahal ng bilihin na balak na mag-import ng bigas, karne, pati galunggong.

Dahil dolyar ang pambili ng mga produktong petrolyo, tataas pa lalo ang gastos sa transportasyon ng mga produkto.

Payo ng ekonomistang si Professor Emmanuel Leyco para maigsan ang pagmahal ng presyo ng langis, "Puwede nilang suspindihin ang excise tax. Hindi na nila kailangan maghintay pa na umakyat ang presyo ng gasolina sa world market bago nila suspindihin ito." -- FRJ, GMA News