Nasagip na ng mga awtoridad ang overseas Filipino worker (OFW) na nagpasaklolo at tatlong ulit na umanong hinahalay ng kaniyang amo sa Qatar.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkoles, sinabing nasa pangangalaga na ng Philippine Labor Office Shelter sa Qatar ang 28-anyos na biktima.
READ: OFW sa Qatar humihingi ng tulong dahil sa panghahalay umano ng amo
"Tatlong beses po. Nu'ng una ay August. 'Yung pangalawa po nu'ng September 3, at 'yung pangatlo ay September 11 po," anang OFW.
Hindi umano magawang makatakas ng biktima dahil bukod sa nakakandado ang bahay, wala rin siya kilala para hingan ng tulong.
"Hindi ko po alam kung paano ako, kung saan ako sasakay, kung saan ako dapat pumunta. Wala po akong kakilala dito," saad niya.
Sa tulong ng social media, naglakas-loob ang biktima at nagpasaklolo sa isang OFW rights group, na naging daan para siya masagip.
"She is now in the shelter, she is safe from harm her health concern is being attended to," ayon kay Hans Cacdac, administrator ng Overseas Workers Welfare Authority.
Inaasahang magsasampa na ng kaso sa pulisya sa Qatar ang biktima na tutulungan ng embahada ng Pilipinas para makamit niya ang hustisya.
"Ngayon ay hinihintay na lamang 'yung pagsasampa ng kaso at 'yung imbestigasyon na dadaloy. 'Yan naman 'yung magpapasya kung papaano 'yung kaparaanan ng kaniyang pagpapauwi. Pero uunahin muna natin 'yung pagkamit ng hustisya," sabi pa ni Cacdac. -- FRJ, GMA News
