Mahigit 300 Pinoy nurses at midwives ang kailangan umano sa Saudi Arabia. Ang sahod, halos P50,000 at libre ang tirahan at pagkain.

Ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kasama rin sa benepisyong alok ng KSA sa mga matatanggap na Pinoy nurses at midwives ay taunang bakasyon at libreng round trip ticket sa eroplano.

"Magandang opportunity ito dahil ang minimum salary dito ay 3,300 Saudi Rials which is roughly equivalent to less than P50,000," sabi ni Bernard Olalia, administrator, Philippine Overseas Employment Administration.

Kabilang umano sa mga requirement ay dapat may professional license mula sa Professional Regulation Commission at dalawang taong karanasan bilang nurse o midwife.

Kabilang sa mga nag-apply ang mga midwife na sina Kaye Limbo at Jane Catunao, na nais magtrabaho sa KSA dahil maliit umano ang sahod sa Pilipinas.

"Bilihin ngayon doble na kaya kailangan talaga magkayod sa ibang bansa," sabi ni Kaye.

"Sobrang almost four times ng sahod ang difference," ayon naman kay Jane.
Dahil government to government ang hiring, walang babayaran ang aplikante at sa POEA mismo dapat mag-aplay at hindi sa agency.

Para makapag-aplay, kailangan munang magparehistro sa online registration ng POEA website at dalhin ang mga kailangang requirements bago pumunta ng POEA. -- FRJ, GMA News