Dahil sa kagustuhang matakasan ang mapang-abuso umanong amo, napilayan ang isang overseas Filipino worker sa Saudi Arabia at nanawagan ngayon ng tulong para makauwi na siya.

Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, makikita sa amateur video ang OFW na si Jacquelyn Laurenciana habang paika-ikang maglakad.

Napilayan umano siya nang tumalon siya mula sa ikalawang palapag ng bahay ng kaniyang amo sa kagustuhang makatakas.

Bukod daw sa minamaltrato siya, hindi rin daw siya pinakakain at hindi pinapasahod ng kaniyang amo.

Kinuha na rin daw ang kaniyang cellphone kaya nag-aalala na ang kaniyang mga kaanak sa Mangaldan, Pangasinan dahil ilang linggo na raw nilang hindi ito nakakausap.

"Naiiyak po ako kasi po siyempre as her daughter wala po akong magawa kasi malayo po siya sakin. Masakit sa akin kasi matagal ko na po siyang hindi nakikita, ilang years ko na po siyang 'di nakikita," sabi ng anak na si J-Anne.

Napag-alaman na December 2017 nang umalis sa bansa ang biktima para magtrabaho bilang domestic helper.

Nanawagan ang mga kaanak niya na mapauwi sana siyang makabalik na sa Pilipinas.

"Nung nalaman ko ganyan ang nangayri sa kapatid ko umaasa ako sa dasal na sana may makatulong na ibang tao. Sana nga lahat ng mga OFW tulungan nila kung ano ang nangyayari, nalalaman nila, papauwiin nila dito nang maayos," sabi ng kapatid nitong si Genero.

Nangako naman ang tanggapan ng Provincial Employment Services Office na matulungan nila ang OFW at makikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs.

"Kinakausap namin ang family at kung ano ang specific need nila. Kukunin namin agad 'yan sa DFA at OWWA at direct sa Manila para mabilis ang aksyon," ayon kay Alex Ferrer ng PESO.-- FRJ, GMA News