Nakauwi na ng bansa ang Filipina household helper na unang hinatulan ng bitay sa United Arab Emirates matapos na ipaglaban ang puri at mapatay ang kaniyang amo na nagtangkang humalay sa kaniya.

Umiiyak ang OFW na si Jennifer Dalquez, nang salubungin siya ng kaniyang mga kaanak at mga opisyal ng pamahalaan nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Biyernes ng umaga.

Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa Super Radio dzBB, labis-labis ang pasasalamat ni Dalquez sa mga tumulong sa kaniya para mabaliktad ang naunang hatol sa kaniya na parusang kamatayan.

Kabilang sa mga pinasalamatan ni Dalquez si Pangulong Rodrigo Duterte.

"Nagpapasalamat po ako sa Pangulo... sa Panginoon na binigyan niya ko ng pagkakataon na makalaya. Taos-puso po akong nagpapasalamat sa Pangulo natin, si Rodrigo Duterte na tinulungan niya po ako na makalabas sa bilangguan," saad ng OFW na tubong General Santos City.

Patuloy niya, "Mga kapatid ko diyan, nanay, tatay, lolo... salamat po sa mga dasal niyo sa akin. Ipinagdasal niyo ko na makalabas sa bilangguan. Taos-puso po akong nagpapasalamat."

Magkakaloob naman umano ng iba pang tulong kay Dalquez ang iba't ibang sangay ng pamahalaan tulad ng Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment, Department of Social Welfare and Development and Overseas Workers Welfare Administration.

Kahit iginiit ni Dalquez na ipinagtanggol lang niya ang sarili dahil tinangka siyang gahasain ng amo, hinatulan siya ng korte ng kamatayan taong 2015. Pero napawang-sala siya sa kaso noong 2017 nang walang binabayang "diyyah" o payment of blood money.

Nitong Huwebes, tuluyan na siyang nakalaya.

Ayon kay Dalquez, hindi niya naramdaman na mabibitay siya sa UAE at lagi umanong buhay ang kaniyang pag-asa na makababalik siya sa Pilipinas.

"'Di ba sabi ko po 'di ko po naramdaman na bibitayin ako. Ang naramdaman ko may kalayaan pa po ako na darating sa buhay ko. Wala po akong feeling na hopeless ako sa sarili ko. Umaasa ako sa Panginoon na makalabas ako," sabi ni Dalquez.

Iginiit din niya na hindi niya intensyon na patayin ang kaniyang amo nang ipagtaggol niya ang kaniyang sarili.

"May pag-asa pa akong makalabas... alam ko na 'di ko sadya 'yun. Alam ko na ang Panginoon tutulungan Niya ako na makalabas. Hindi ko po ine-expect na ganon ang mangyayari sa akin," dagdag niya.-- FRJ, GMA News