Nakauwi na ng Pilipinas nitong Biyernes ng umaga ang 86 Overseas Filipino Workers na nakatanggap ng amnestiya mula sa pamahalaan ng United Arab Emirates.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali", sinabing ang mga OFW ang ika-pitong batch na nakabalik sa bansa na nag-apply sa amnesty program.

Karamihan sa kanila ay ilang taon umanong nagtrabaho bilang household service workers pero hindi sila dokumentado.

Sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, sinalubong sila ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ang mga nakauwing OFW ay nakatatanggap umano ng P5,000 tulong mula sa DFA, at livelihood assistance mula sa OWWA.

Hinikayat din ng DFA ang mga undocumented OFW sa UAE na samantalahin ang amnesty program ng pamahalaan doon upang mabalik na sila sa Pilipinas.--FRJ, GMA News