Patay na at may mga saksak sa katawan nang matagpuang lumulutang sa ilog ang isang Pinay overseas Filipino worker sa Malaysia.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Madelyn Asuncion, tubong-Zamboanga City.

Nobyembre 28 umano nang makita ang bangkay ni Asuncion na may mga saksak sa katawan at wala nang damit.

Napag-alaman na sampung taon na ang nakaraan nang pumunta sa Malaysia ang biktima, at kasama ang kaniyang ama na naninirahan doon.

Nanawagan ng tulong ang pamilya ng biktima kay Pangulong Rodrigo Duterte para maiuwi sa bansa ang mga labi nito.

Dahil hindi nag-renew ng membership si Asuncion sa Overseas Workers' Welfare Administration o OWWA, P20,000 lang umano ang matatanggap na bereavement assistance ng kaniyang naulilang pamilya. --FRJ, GMA News