Napaiyak sa tuwa ang isang siyam na taong gulang na babae nang hindi niya akalain na ang kaniyang amang overseas Filipino worker (OFW) ang laman ng kahon na sorpresa sa kaniya ngayong Pasko.

Sa ulat ng GMA News TV "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing sa susunod na taon pa sana ang uwi sa Pilipinas ni Martin Navarro mula sa pinagtatrabahuhan nito sa United Arab Emirates.

Pero nakiusap daw siya sa kaniyang amo na payagan siyang makauwi ngayong taon para makapiling sa Pasko ang kaniyang anak na si Saliah.

Pumayag naman ang kaniyang amo at para lalong masorpresa ang anak, nagtago siya sa kahon.

Napag-alaman din na isa ring OFW ang kaniyang asawa na nagtatrabaho naman sa Amerika.

Sa video, makikita kung gaano katagumpay ang ginawang sorpresa ni Martin sa kaniyang anak na napaiyak sa sobrang tuwa.-- FRJ, GMA News