JEDDAH, Saudi Arabia — Isang OFW na nagtatrabaho bilang kasambahay dito ang limang beses umanong pinagsamantalahan ng kinatawan ng recruitment agency na nag-deploy sa kanya.

Nahuli naman agad ang suspek na isang Arabo matapos itong mauto ng biktima na sumaglit sa Philippine Consulate.

Ayon sa biktimang si "Lina," limang araw pa lang siyang nagtatrabaho bilang kasambahay nang tumakas siya sa kanyang amo.

Nakatakda raw sana siyang ihatid ng recruitment agency sa Riyadh para ilipat ng ibang employer nang siya raw ay halayin sa hotel na pinagdalhan sa kanya ng kinatawan ng recruitment agency.

Ayon kay Labor Attache Nasser Munder, nagsumbong si Lina sa isa nitong kasamahan na nasa Bahay Kalinga na siya daw ay ginahasa. Agad daw tinuruan nila OWWA Welfare Officers Marilyn Jamero at James Mendiola si Lina sa gagawin para mapabalik sila ng konsulado kasama ang suspek.

Pagdating sa opisina ni Munder agad daw nagwala ang biktima habang kinumpronta naman ni Munder ang suspek. Agad din daw silang nagpatawag ng security at diplomatic guard para hulihin ang suspek.

Tinangka pa raw ng suspek na umalis ng opisina ngunit napigilan ito hanggang sa dumating ang diplomatic guard.

Ang suspek ay dinala na ng diplomatic guard sa pulisya para ikulong matapos maglabas si Vice Consul Lemuel Lopez, head ng Assistance to National, ng sulat hinggil sa kanilang basehan para hulihin ang suspek.

Samantala, sinamahan naman ng mga tauhan ng Assistance to National at OWWA si Lina sa pulisya para magsampa ng kaso. Nakatakda rin siyang dalhin sa ospital para ipa-medical.

Sinabi ni Munder na ipapakansela niya ang accreditation ng recruitment agency ni Lina at papanagutin ang kinatawan nito na umabuso sa biktima.

"Nanginginig ako sa galit. Binigyan na nila ako ng tubig dahil narinig na nila kung paano ako nagalit. Buti na lang nakainom ako ng pang-high blood ko," aniya. —KBK, GMA News