Patok sa mga kostumer ng isang cafe na pagmamay-ari ng Pinoy sa California ang kanilang mga dessert na may ube.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing kabilang sa mga dessert na iniaalok ng naturang cafe ang ube butterbar, ube cupcake, ube milk shake, at ube milk tea.

Ayon sa may-ari ng Cafe 86 na si Ginger Dimapasok, itinayo nila ito kasama ang kaniyang asawa para lalo umanong makilala sa abroad ang flavor na ube.

"it's really more than just the food it's really sharing our culture," saad niya. "We're just as colorful as the flavor of ube."

Ipinanganak at lumaki sa Pilipinas si Ginger, at malaking bahagi raw ng kaniyang kabataan ang flavor na ube.

"Being born and raised in Manila, ube was such a huge part of my life. It was my vanilla growing up, it was the flavor that I knew, it was the flavor I was accustomed to buying," kuwento niya.

Kaya naman natutuwa raw siya na na-e-enjoy ng kanilang mga kostumer ang ube, hindi lang ng mga kapwa Pinoy na nasa US ang kanilang produkto, kung hindi pati na raw ang ibang lahi.

Naitampok na rin daw sila sa isang sikat na morning show sa Amerika.

Kabilang din daw sa mga paboritong orderin ng kanilang mga kostumer ay walang iba kung hindi ang haluhalo.--FRJ, GMA News