Inalmahan ng ilang Pilipino nurses ang planong bawasan ang deployment ng mga nurse sa abroad. Katwiran nila, mababa pa rin ang kanilang sahod sa bansa at hindi pa rin maganda ang kalagayan sa kanilang pagtatrabaho.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita ang pagiging emosyonal ni Abigail David, registered nurse, nang malamang natanggap na siya bilang staff nurse sa isang ospital sa Florida sa Amerika.

Halos pitong taon daw na tiniis ni David ang P10,000 na sahod kada buwan sa dating pinagtatrabahahuhan niyang ospital sa Pilipinas.

"Minsan nakararanas kami ng 12-24 hours duty na wala ka nang time sa family. 'Yung sahod, siguro kung may family ka ikaw lang 'yung nagwo-work, hindi talaga siya sasapat," saad niya.

"'Yung family mo maysakit, sila mismo 'yung mga anak mo, hindi mo sila maaalagaan. It's because 'yung pagiging nurse mo naman hindi mo maiwan kasi mas maraming may kailangan sa 'yo," sabi pa ni David.

Si Carlo Purificacion naman na isang staff nurse, ilang ospital na rin ang pinasukan ngunit kalauna'y kinailangan niya ring lumipat sa call center para kumita ng mas malaki.

Nag-a-apply na rin si Purificacion para mag-nurse sa abroad.

“Mas magaan kasi 'yung trabaho, mas nakakakain ka on time, and maganda 'yung suweldo mo, mas mataas... Ang mga nurse mahal nila 'yung ginagawa naman nila talaga. It's just that papaano naman 'yung sarili po namin?" pahayag niya.

Ilan lang sina David at Purificacion na mga halimbawa ng mga Pilipinong registered nurse na nais ituloy ang propesyon sa ibang bansa.

"I have never experienced a people that understand sacrifice, like the Filipino people... The integrity, compassion, the accountability, the respect and excellence," sabi ni Steve Capenos, Director Of Human Resources, Tallahassee Memorial Healthcare.

"They earn at least a thousand dollars a week. They work three 12-hour shifts a week and with that, they get paid 25-35 dollars an hour, and with that opportunity of course it depends on how many years of hospital experience, then they get paid a lot more," sabi ni Raymund Raval, healthcare recruiter.

Inilahad ni Labor Sec. Silvestre Bello III kamakailan na pababawasan niya sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang deployment ng mga Pinoy nurse sa ibang bansa. Base umano ito sa hiling ng Philippine Nurses Association (PNA) dahil kailangang-kailangan sila sa Pilipinas.

Ngunit nilinaw ng PNA na ang pag-aayos sa kondisyon ng trabaho ng mga nurse sa bansa ang idinudulog nila kay Bello.

"They are overworked, they are underpaid, they are not valued by society, they have very bad working conditions, they don't even have benefits. So they go to a working environment that has it," sabi ni Dr. Caster Palaganas, National President, Philippines Nurses Association.

Sinabi ng PNA na napapanahon nang itaas sa P30,000 ang entry level salary ng mga nurse mula sa kasalukuyang P11,500 - 12,500.

Sinabi na noon ng DOLE na handa itong tumulong sa pagsusulong ng salary increase para sa mga nurse.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News