JEDDAH, Saudi Arabia -- Isang Pilipinang kasambahay dito ang inakusahan ang kanyang amo ng panghahalay at pananakit sa kanya.

Ayon kay Hilda (hindi tunay na pangalan), bukod sa panghahalay at pambubugbog ay pinlantsa pa umano ng kanyang amo ang kanyang braso.

Sa panayam ng GMA News nitong weekend, sinabi ni Hilda na naganap ang insidente noong July 19 habang siya ay namamalantsa.

Aniya, tinangka raw siyang gahasain ng kanyang amo habang siya ay namamalantsa. Nang manlaban daw siya ay hinawakan ng kanyang amo ang kanyang kamay na may hawak na plantsa at tinangkang ilapit ito sa kanyang mukha.

Ginamit raw ni Hilda ang kanyang braso para salagin ang plantsa, dahilan upang magkaroon siya ng paso rito.

"Yung kamay ko po nakahawak pa rin sa plantsa at pinatungan din niya po ng kamay niya para pagdating sa fingerprint ang kamay ko pa din daw ang naglagay," kuwento ni Hilda.

Dagdag pa rito, pinagtatadyakan din daw ng kanyang amo ang kanyang hita at binti para siya mapaluhod at matagumpay na maisagawa ang panghahalay sa kanya.

Matapos ang pangyayari, pinakiusapan daw ni Hilda ang kanyang among babae na tulungan siya. Naawa naman daw ito kaya inilipat siya sa bahay ng magulang nito.

Sa tulong ng GMA News, naidulog na sa Overseas Workers Welfare Office (OWWA) ang kaso ni Hilda. Ayon kay OWWA Welfare Officer Benny Reyes, nakipag-ugnayan na ang kanilang Quick Response Team sa employer ni Hilda para dalhin ang kasambahay sa kanila.

Sinabi rin ni Reyes na tumawag sa kanya ang among lalaki ni Hilda at itinanggi ang alegasyon laban sa kanya.

Sa ngayon ay hindi pa nadadala si Hilda sa opisina ng OWWA bagama't naka-monitor ang Quick Response Team at maging ang Saudi recruitment agency ni Hilda. —KBK, GMA News